Wednesday, February 18, 2026

Mga feels ulit on Lunar New Year Eve

Antok na ako. Kakatapos lang ng first author meeting namin sa UNESCO Science Report. Sobrang nakakatawa kasi pareho siya sa unang IPBES meeting ko na iyong CLA sobrang bibo pero disorganisado. Masaya lang kasi may nakilala ako from Indonesia, Singapore, Myanmar na mukhang matitino ka-trabaho, lalo na iyong taga-Indonesia na dati nang nasa IPCC. Tignan natin anong magiging ganap dito mula rito. Nakakaloka lang na lima iyong CLA tapos parang hindi raw pwede i-divide sila sa mga regions so bahala na sila magkagulo.

In other news, nasa Pilipinas na ako este nasa Maynila na ako. Ang daming nangyari ngayong araw. Maaga iyong flight ko mula Puerto Princesa 07:50 tapos medyo kinakaba-kabahan din ako kung aabot ako kasi talagang pinilit ko pa mag-almusal doon sa hotel mga 06:05 ng umaga tapos mga 06:25 na ako umalis para mag-abang ng multi-cab. Hindi talaga ako mage-espesyal na trip kung pwede naman i-commute. So sakto naman na 06:30 nakasakay na ako tapos ang bilis lang ng biyahe, nasa loob na ako ng airport bago pa mag-06:45. Sa madaling salita, gumana ang aking mga plano at masaya ako.

Ganun din paglapag, heto siyempre kailangan na mag-Grab kasi hindi ko kakayanin mag-commute lalo na sobrang bangag ko at kulang sa tulog. Ngayong araw din pala iyong deadline noong IKI Large Grant na tina-trabaho namin ng Ate ko. Medyo nakakatawa na nakakatuwa na saling-pusa ako roon sa proposal pero ilang buwan na namin pinag-uusapan iyan na magsulat. Harinawa pumasa ang pre-proposal, medyo iba rin ang galaw ng sektor nila sa pagsusulat ng proposal. Interesting process, lalo na iyong nagpadala ako sa AirDrop noong nandoon ako sa Bhutan tapos tinanggap naman noong kung kaninong laptop iyong files. Boss pala ng opis iyon.

Pagod na ako, as in. Wala akong matinong pahinga nitong mga nakaraang linggo at tignan mo anong oras na 00:40 na. Mamaya may meeting din ako ulit para sa isang potential collaborator sa ZooMap as in physical meeting na kailangan pumunta roon sa opis nila sa UP Village. Sana hindi ako ma-trapik pauwi, so ibig sabihin dapat iyong meeting dapat mga isang oras lang siya tumagal. Gusto ko na lang matulog nang isang buong araw para makabawi, kahapon umupo pa ako sa first ever doctoral defense na second supervisor ako. Mahirap daw iyong mga tanong ko sabi ng mga kasama ko sa committee na akala ko naman madali kasi definition iyong tinanong ko na very basic.

Ang saya lang na doctoral defense na iyong dati kong doctoral supervisor kasama ko na sa committee tapos nasa Palawan pa ako (kung saan ko ginawa ang PhD research ko) noong ganapin iyong defense. Iniisip ko nga nararamdaman noong estudyante, para sa kanya at mga kaibigan niya isang malaking araw iyon kahapon samantala sa akin business as usual na lang tipong "ugh nasa field ako at bakit ko kailangan umupo sa harap ng laptop para sa defense na 'to." Napaisip din naman ako at inalala ko paano nga ba noong defense ko, alam ko hindi ako makakain noon. Wala rin akong ideya noon na kaya pala sobrang tagal ng review eh running for summa cum laude ako at kapag ganun kailangan ng additional na reviewer.

All's well that ends well. Nakapag-milk tea na rin ako ulit sa wakas kanina; isang malaking craving sa Palawan kaya lang kulang cash ko para bumili sa Gong Cha tapos noong meron na akong dalang cash eh busog naman na ako mula sa hapunan. Tapos nakapag-Jamaican Pattie rin kahit na labag siya sa aking diet o iyong mga kinakain ko nitong mga nakaraang linggo labag talaga sa aking vegetarianism. No choice sa Bhutan tapos ganun din sa Palawan. May choice naman nga pero para na rin ako kumain ng karton kung iyong natatanging vegetarian option ang kakainin ko sa Palawan. Sa Bhutan iyong ema datshi, masarap, so pwede ko kainin. Sa Pinas, ewan bakit kulang tayo sa purely vegetable dishes. 

At matutulog na ako. Sana gumana na iyong aircon sa kwarto kasi parang hindi lumalamig. Kaya sumakit ulo ko kanina, kulang sa tulog tapos ang init. Nakakatawa iyong sabi ni Ajjie na pre-heating na iyong oven ng Pilipinas - umiinit na! Hanep. 'Di ko na alam gagawin ko sa schedule ko, babalik lang ako nang dalawang araw sa Alemanya tapos aalis na naman ako. Sabi nga ng Nanay ko, "gago ka, 'di na ako magugulat kung pagbalik mo roon wala na sa apartment si Andres." Medyo nagsisimula na nga siya hanapin ako kaya sana kahit isang araw lang ako roon eh ah okay lang. Maghahatid lang ako ng kape. Hay heto na naman, ayoko nagche-check in ng bagahe.